Pio Ligot: Ang Kagandahan ng Abot Tanaw

The author, Mr. Pio Ligot (in pink checkered shirt) with his band, Alyson. He is from 12M, the graduating batch's Filipino Honors.
The author, Mr. Pio Ligot (in pink checkered shirt) with his band, Alyson. He is from 12M, the graduating batch’s Filipino Honors.

“Pagtunog pa lang ng huling batingaw sa huling araw ng mga pagsusulit, abot-tenga na ang ngiti sa aking mga labi. Paano ba naman kasi, kay tagal ko nang hinintay ang araw na ito.”

Dalawang linggo na ang nakalilipas nang magpunta ang 115 mag-aaral, guro, at magulang ng Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila sa Davao. Mula sa Paliparang Pandaigdig ng Ninoy Aquino hanggang sa paliparan ng Davao, dala namin ang kakaibang pagkasabik na hindi maipaliwanag. Walang hanggang kagandahan.

Sa Davao, di maipagkakailang maraming maganda kumpara sa Maynila. Hindi lang ang mga dilag kundi pati na rin ang mga tanawin at mga lugar na lubos sa likas-yaman. Lahat pa ng tao roon ay disiplinado sa pangangalaga ng kalikasan. Walang nagyoyosi sa pampublikong lugar, walang kalat sa daan at hinihiwalay ang basura. Kabalintunaan ang mga pamamaraan natin dito sa Maynila. Makalat. Maalat. Basta kuha niyo na kung anong ibig kong sabihin.

Pero hindi naman ito usapin ng kung sino ang mas mahusay o kung saan mas matinong sulitin ang mga nalalabing oras sa ating buhay. Ang tanong ay kung paano ba natin mapauunlad ang isa’t isa?

Manghang-mangha talaga ako sa kung paano inaalagaan ng mga Dabawenyo ang kanilang kalikasan. Para sa kanila, ginagawa nila ito dahil doon sila nakikinabang. Nakahahatak sila ng mga turista mula sa iba’t ibang sulok ng mundo dahil rito. Wala rin silang masyadong problema sa polusyon at dahil dito’y hindi sila masyadong nag-aalala sa mga banta nito sa kalusugan.

Sa pamamagitan nila, nakita ko ang pamamaraan na tuwid. Ang paraan na iniatas sa atin ng Panginoon noong ilagay niya sa ating pangangalaga ang kaniyang mga nilikha.

Maaaring sabihin ninyo na “sandali lang brad, dein ko ata kaya yan. Boy haiskul lang ako” O kaya “wew naman, katamad. Kalat naman nila ‘yan eh” At dahil doon ay hindi ninyo gagawin ang pagsasaayos ng ating kapaligiran.

Sige ituloy niyo ‘yan pero…

Isipin niyo na lang na sa loob ng isa o dalawang dekada, may mga anak na kayo at sa apat o limang dekada siguro, may mga apo na.

Ano kaya ang masasabi mo kung tatanungin ka nila kung bakit kailangan nilang magsuot ng maskara na nagbubuga ng oxygen, kung bakit hugis bote at plasticang kanilang isda, kulay kahoy na ang kanilang mga madadatnang mga ilog at kalbo na ang mga burol at bundok?

Hahayaan mo bang mauwi na lang sa pagtingin sa lumang litrato?

Napakamakasarili mo naman tsong kung hahayaan mo mauwi sa ganoon.

Marahil naiisip niyo na masyado na akong nagmamalabis sa aking mga halimbawa ngunit sa totoo lang, nanganganib na itong mangyari dahil sa ating pagkagahaman sa mga materyal na bagay at iba pa.Kumukuha tayo sa higit pa ng ating mga pangangailangan. Magugunaw na ang mundo at hindi na ito mapipigilan.

Pero repapips, kaya pa natin itong bagalan.

Napakasimple lang naman, kung tutuusin, ang hinihingi sa atin ng Panginoon. Bigyang halaga at alagaan ang kalikasan. Sa simpleng pagsasaayos sa tamang basurahan ng ating mga kalat, pati rin ang pagpunta at pangangalaga sa mga lugar na ubod ng likas na ganda mula sa kapaligiran. Simpleng mga bagay ngunit malayo ang mararating kung gagawin nang tama.

Nabusog ang aking mga mata sa kagandahang aking nasaksihan sa Davao. Iminulat sa akin ng Panginoon ang kagandahan ng abot-tanaw at doon ko natanto na tayo ang kaniyang abot-tanaw. Kung gaano niya tayo kamahal, ganoon din dapat natin mahalin ang kalikasan.

Mahalin nang buo at walang kompromiso.

Dahil mahal niya tayo, mahalin din natin ang kalikasan niyang binuo para sa ikagiginhawa ng ating mundo.

Note: Mr. Juan Alfonso Xavier M. Ligot or “Pio” delivered this reflection to the whole Ateneo High School community after his experience of the Eco-Spiritual Pilgrimage in Davao City last 29 August – 2 September 2015. Pio belongs to M2015, St. Jacques Berthieu SJ, the Filipino Honors class. He graduated last March 2015.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s