TJ Sunga: Hayaan Mong Mahalin Ka (Do not be Afraid to Receive Love)

TJ Sunga, Campus Minister, Ateneo High School
TJ Sunga, Campus Minister, Ateneo High School

Ako si TJ, Campus Minister. Hayaan niyo akong ibahagi ang aking kuwento.

Agosto noong taong 2013 nang ako ay ma-diagnosed ng End Stage Renal Failure matapos ang ilang taong pakikipaglaban sa isang chronic kidney disease. Ang ibig sabihin nito mula noon ay, kinailangan kong mag dialysis dalawa hanggang tatlong beses kada linggo upang mabuhay. Dalawampu’t pitong taong gulang ako noong panahon na iyon at hindi ito naging madali. Naalala ko pa noong unang gabi ko sa hospital, matapos ang aking unang dialysis session – nahirapan akong makatulog. Bukod kasi sa hindi komportable ang pakiramdam ng tubong nakatusok sa aking leeg, bilang temporary access para sa dialysis machine, ay ginugulo ang aking isipan ng halo-halong emosyon at mga katanungan. Higit sa lahat, puno ang aking puso ng matinding takot na tila mas malaki pa sa akin. At sa puntong iyon ng lubos na kahinaan, sa huli ay natulak sa isang pagsuko  – pagpapaubaya sa Diyos na tahimik at tila mahirap masumpungan.

Sa kabila nito, pinilit kong mabuhay at harapin ang sitwasyon. Higit para sa aking sarili, kundi para sa mga mahal ko sa buhay, sa aking pamilya at mga kaibigan na patuloy akong minamahal, sinusuportahan at pinagkakalooban ng pag-asa araw-araw. Sa totoo lang, napakadaling malungkot at sumuko noong mga panahong iyon. Gayunpaman kahit nanghihina ang aking pag-asa at madilim man sa paningin ko ang hinaharap, silang mga nagmamahal sa akin ang aking nagsilbing lakas. Sila na rin ang nangarap para sa akin. Ang pangarap na ito ay ang isang kidney transplant – ang tanging paraan upang madugtungan at manumbalik ako sa dating sigla at kalusugan.

Sa pangarap na ito nagsimula ang Project TJ 1.5, isang fundraising campaign para ako’y tulungang makaipon ng pondo para sa aking kidney transplant. Naging malaking bahagi ng pagiging matagumpay nito kayo, aking mga kaibigan at kasamahan dito sa Ateneo HS. Kaya nais ko pong gamitin ang pagkakataong ito upang magpasalamat sa inyong lahat. Maraming maraming salamat po.

Malaking pasasalamat ko rin na pinagkalooban ako ng Diyos ng napaka mabait at mapagmahal na bunsong kapatid na hindi nagdalawang isip upang ipagkaloob sa akin ang kanyang isang bato upang madugtungan ang aking buhay.

Ang pangarap na ito ay naisakatuparan noong August 22 2014. At dahil dito ako’y nasa inyong harapan ngayon, malusog muli, at may bagong buhay. Maraming maraming salamat po.

Kung may isang bagay akong natutunan mula sa karanasang iyon at nais kong ibahagi sa inyo ngayong umaga ay ito:

Ang hayaan ang sarili na mahalin ng iba. Ang huwag matakot tumanggap ng pagmamahal.

To allow people to love you. And not be afraid to receive love.

Kakaiba pero tila kailangan ko pang magkasakit ng malubha upang matutunan ko na hayaan ang aking sarili na mahalin at tumanggap ng pagmamahal mula sa mga taong tunay na nagmamahal at nais na magmahal sa akin, gaya ng aking pamilya at mga kaibigan, kasamahan at higit sa lahat mula sa Diyos.

Kasi napagtanto ko, hindi pala ako ganoon kabukas upang tumanggap ng pagmamahal at kalinga mula sa iba. Ako kasi yung klase ng tao na lumaking independent at self-sufficient. Sa katunayan working student ako mula 3rd Year HS hanggang kolehiyo. Dahil sa tingin, kayo ko at kakayanin ko naman at dahil din sa ginusto ko. Kaaya naman kahit na noong may sakit na ako, mag-isa akong pumupunta sa mga check-ups at ni hindi ko ito ipinapaalam kahit sa aking pamilya. Nalaman na lang nila na seryoso na pala ang kaso ko kasi kinailangan kong ma-confine para sa isang procedure.

Pero alam niyo noong ako’y nagsimulang magkasakit at mag-dialysis, dahil na rin sa kahinaan, ay kinailangan at napilitan  akong isuko ang aking sarili sa kalinga ng aking mga mahal sa buhay. Nagkaroon ako ng pagkakataon na tanggapin at ipakita nila sa akin ang kanilang pagnanais na ako’y alagaan at pagaanin ang dala-dala kong pasanin. Naramdaman ko ito sa tuwing inahatid at binabantayan ako ng aking tatay sa dialysis kahit pa tumatagal ito ng 4 na oras kada sesyon. Naramdaman ko ito sa pag-aaruga ng aking nanay, kahit pa pagod mula sa opisina. Sa mga kaibigan patuloy na nagdarasal, nagpapaalala at nagpaparamdam sa akin na hindi ako nag-iisa.

At noong panahon iyon naging malinaw sa akin kung nasaan ang Diyos sa karanasang iyon. Ang Diyos na hirap kong maramdaman at masumpungan noong una ay buhay at patuloy na nakikiaaalm sa aking buhay sa pamamagitan ng mga taong nagmamahal sa akin.  Na ang pagmamahal pala ng Diyos ay higit pa sa mainit na pakiramdam sa dibdib o sa isang konsepto – dahil ang lubos na pagmamahal ng Diyos ay patuloy at malalim kong naramdaman at naranasan sa pagmamahal ng mga taong nakapaligid sa akin. At alam ko, patuloy Niya akong inaanyayahan na buksan ang aking puso sa malalim na pagmamahal na patuloy at handa niyang ipagkaloob sa akin. Nalaman ko rin na ah, mas masarap pala talagang magmahal kung alam Mong lubos kang minamahal.

Sabi ni Fr. Ernald Andal, SJ; retreat master noong nakaarang linggo para sa ating mga staff “often times we see  God as the best gift giver, but the worst gift wrapper”.

Ngayon, ang mapait na karanasan na iyon ay nakikita ko na bilang isang biyaya. Naging mahirap man pero pagkakataon iyon,  isang biyaya upang makita at maranasan ang lubos lubos na pagmamahal at pagkalinga ng Diyos  Biyaya upang makita na aking Diyos, ang ating Diyos ay mahabagin, mapagkalinga, hindi nang-iiwan. Na sa kabila ng aking mga kahinaan, kasalanan ay patuloy na binubuhos ang kanyang sarili para sa akin. Buhos-buhos at napakatinding magmahal ang Diyos.

Panghuling kuwento:

Noong nakaraang Pebrero ay nagkaroon ako ng pagkakataong makapag-retreat matapos ang aking kidney transplant. Noong panglimang araw ng retreat, habang tumitingin ako ng mga letrato mula sa aking cellphone ay may napansin ako. Isang tao, isang sanggol ang may pinakaraming letrato sa aking telepono. Ang sanggol na ito ay nagngangalang Lucas. Napaka-espesyal na bata ni Lucas para sa aming pamilya. Dalawampu’t isang taon kasi rin namin siyang hinintay kasama ng kanyang mga magulang upang dumating.  Kaya naman ang pagdating Lucas ay nagdala ng higit na  kagalakan sa buong pamilya.

Ngunit hindi pangkaraniwang bata si Lucas – si Lucas kasi ay isang batang may Down Syndrome.

This is Lucas. Photo courtesy of Mr. TJ Sunga, Campus Minister, Ateneo HS.
This is Lucas. Photo courtesy of Mr. TJ Sunga, Campus Minister, Ateneo HS.

Hindi ko alam kung naka encounter na kayo ng isang batang may DS. Pero isang bagay ang mapapansin niyo; hindi sila masyadong responsive katulad ng mga pangkaraniwang bata.  Ni hindi niya kayang mag eye contact kaya hindi mo alam kong pansin o nakikita ka ba niya. At sa tuwing nilalaro mo siya, wala ka ring ideya kung napapasaya o napapatawa mo ba siya. Pero sa kabila nito, lahat kami laging nakatanod kay Lucas simula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda. Pinipilit siyang aliwin, patawanin at pasayahin. Lahat gusto siyang alagaan at buhatin. We are simply magnetized and in love with this baby. Mahal na mahal namin si Lucas.

Habang pinagninilayan ko kung sino si Lucas sa akin, sa aming buhay tila kinalabit ako ng Diyos – nagsasabing: “Alam mo TJ, parang kang si Lucas ka sa akin. May mga panahon man na tila hindi mo ako kita o pansin at hindi mo ako marinig, pero ok lang, ang nais ko lang naman ay ang maging malapit sayo, alagaan ka, dahil mahal kita. I am simply magnetized and in love with you.

Naniniwala ako, lahat tayo, ganito nakikita ng Diyos.

Lubos lubos na minamahal.

Nawa’y buksan natin ang ating puso sa malalim na pagmamahal na ito na handang ipagkaloob ng Diyos sa atin. Maging daluyan nawa tayo ng malalim na pag-ibig na ito para sa bawat isa.

Sa gayon ang  pag-ibig na ito ay ang magsilbing ating lakas at pag-asa sa ating. paglilingkod. Amen.

+AMDG

Advertisements

1 Comment

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s