Jon Gabriel T. Bilog: Kapag natuklasan mong mahal mo ang isang tao, lumiliwanag ang daigdig.

Mr. Jon Bilog at the Home for the Aged, Marikina
Mr. Jon Bilog at the Home for the Aged, Boys Town, Marikina during the AHS Faculty Outreach last 6 February 2015. Mr. Bilog is the Coordinator of the Science Subject Area. Photo: Fr. Jboy Gonzales SJ

Jon Gabriel T. Bilog delivered this reflection during the Ignatian Festival’s gathering of all Ateneo employees at the Ateneo High School Covered Courts. The gathering’s theme was “Amare et Servire (To love and serve)” and Mr. Bilog was among those asked to witness loving and serving the Lord through his specific work in the high school.

+++

I.

Malaking biyaya ang maging bahagi ng Ateneo, subalit hindi rin madali. Kilala ang Atenista sa pagiging maka-Diyos, magaling sa iba’t ibang larangan, at paglilingkod sa kapwa. Bilang dating mag-aaral dito, kinailangan kong paghusayin ang aking sarili upang makapagsilbi ng husto balang-araw. Dumating ang panahon na ako’y naging isang guro sa aking paaralan, at kinailangan kong maghanda ng lesson plans bawat linggo at magwasto ng daan-daang papel. Makalipas ang ilang taon, ipinagkatiwala sa akin ang ilang tungkulin sa administrasyon, kung saan kailangan harapin ang maraming hamon sa pangangailangan ng mga guro, mag-aaral, at mga programa ng opisina. Maraming sakripisyo ang nagaganap bago mabuo ang isang Atenista, at kadalasan napakahirap magsaka kung ang bunga ay hindi agad makikita o maaani.

Sa tuwing dumarating ang mga araw na ramdam ko na ang matinding pagod, madalas itinatanong ko sa aking sarili, “Bakit ko pa ba ginagawa ito?” Sabi nga sa isang patalastas, “Para saan ka ba bumabangon?” Ilang beses ko nang narinig na paglilingkod sa bayan ang bokasyon ng mga guro. Sa paghubog ng kabataan na maging mabubuting mamamayan, tumutulong ang Ateneo na makamit ang magandang kinabukasan ng Pilipinas. Iniisip ko sa aking sarili,

“Totoong pagse-serbisyo sa bansa ang ginagawa ko dito. Subalit ito nga ba ang dahilan na nag-uudyok sa aking magpatuloy sa mabibigat na tungkulin sa gitna ng hirap, pagod, at kung minsa’y mga sama ng loob? Ito nga ba ang nagbibigay pag-asa sa panahong walang kasiguruhan sa mga mangyayari?

May isang salita na mas umiigting sa aking damdamin ngayon. Ito ay PAG-IBIG. May nabasa akong sanaysay noon na nagsabing tao lang ang maaaring umibig at ibigin. Hindi raw natin masasabing, “Mahal ko ang trabaho ko,” dahil ang trabaho ay hindi maaaring tumanggap ng pag-ibig. Sa halip, mas tama nating sabihing, “Pinaghuhusayan ko ang trabaho ko para sa pamilya ko dahil mahal ko sila.” Kapag natuklasan mong mahal mo ang isang tao, lumiliwanag ang daigdig. Nakangiti kang gumigising tuwing umaga sa pag-aabang ng inyong pagtatagpo. Magpapaguwapo ka sa salamin bago kayo magkita. Ganadong-ganado kang harapin ang anumang pagsubok sa araw na ito dahil mayroon kang inspirasyon.

Lalung-lalo na kung natuklasan mong mahal ka rin ng iniibig mo.

Bagaman hindi ka makakatulog sa gabi, pakiramdam mo ang sigla-sigla mo buong araw. Gugustuhin mong pagbutihin pa ang iyong sarili at aalamin kung paano mo pa mahihigitan ang kakayahan mong magmahal. Mapupuno ang iyong kalooban ng kasiyahan at mawawalan ng lugar para sa pagkamuhi. Magiging maunawain ka at matulungin sa ibang tao.

Sa aking patuloy na pagninilaynilay, natukoy ko ang isang mahalagang katotohanan: May kakayahan tayong makilala kung ano ang pag-ibig dahil nakaranas muna tayo ng pag-ibig mula sa ating mga magulang. Sa katunayan, bunga tayong lahat ng pagmamahalan nila. Inaruga nila tayo noong panahong nakaasa tayo sa kanila upang mabuhay. Matinding mga sakripisyo ang kanilang ginawa nang lumaki tayong mabubuting tao sa lipunan. Kahit sa mga pamilyang nawalay, pag-ibig lamang mula sa mga natitirang kasapi ang siyang paniguro na maaalagaan ang mga bata.

Mahal ko ang aking mga magulang at lubos akong nagpapasalamat sa pagpapalaki nila sa akin. Sa isang nakaraang retreat, inisip ko na ang modelo ng kanilang pagmamahal ay may pinagmulan, at mula ito sa Panginoon. Walang hihigit pa sa pag-ibig ng Diyos para sa atin.

Lahat tayo ay Kanyang nilikha at inaruga sa pamamagitan ng kanyang mga biyaya. Sinakripisyo niya ang Kanyang anak na si Hesus upang mailigtas tayo sa ating mga kasalanan at kamatayan. Kahit sa mga nasirang pamilya, pag-ibig lamang mula sa Panginoon ang siyang tunay na makapagbibigay ng pag-asa. Kapag nagdarasal ako at inaalay ko sa Kanya ang mga mahirap na aspeto ng aking mga tungkulin, gumagaan ang aking pakiramdam.

II.

Sa kasalukuyan, nais kong matuklasan pa ang pagmamahal ng Diyos para sa akin. Magsusumikap akong makilala si Kristo na Siyang pagpapakilala ng Panginoon sa sangkatauhan. Gusto kong gumising tuwing umaga na masiglang-masigla sa kaalamang mahal na mahal ako ni Hesus. Haharapin at iaalay ko ang lahat ng hamon ng bawat araw sa Kanya. Magpapaguwapo’t magbibihis ako ng maayos bago ang pagtatagpo namin sa Misa. Nais kong aralin ang aking pananampalataya upang matutunan pa ang pagmamahal Niya sa akin at kung paano ako magiging malaya mula sa lahat ng pumipigil sa aking umibig sa kapwa.

Ang huling kaisipan na nais kong ipahayag ay ang pangangailangan na ibahagi ang pag-ibig upang lubos na maranasan ang kapangyarihan nito. Ang pag-ibig ay naibabahagi sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa kung saan man tayo may tungkulin ngayon. Para saan ang pag-ani ng bunga kung ang makikinabang lamang dito ay ang magsasaka? Ang bunga ng paghihirap niya ay nagpapakain ng buong bansa. At ang mga buto ng nalikom sa pagsasaka at pag-aani ay maaaring gamitin sa pagpunla kinabukasan. Ganito ang karanasan ko sa pag-ibig—mahirap, subalit nakahahawa, nakapagbibigay pag-asa, at walang katapusan.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s