Ryan Dominic A. Orias: Ang Ating Ina

The author, Ryan Dominic Orias, Grade 12E-St. Morse SJ. Taken from his Facebook Account.
The author, Ryan Dominic Orias, Grade 12E-St. Morse SJ. Taken from his Facebook Account.

Pinagninilayan ni G. Ryan Dominic A. Orias ang malalim na pagmamahal ng mga Atenista kay Maria, sa pagdiriwang ng kanyang Maluwalhating Pag-Akyat sa Langit (Assumption of the Blessed Virgin Mary) sa ika-15 ng Agosto 2015. Taga-12E St. Morse SJ, ang may akda. Hindi lang siya nagsusulat, mahusay din si Ryan sa musika. Kabilang siya ng bandang Clamshell Boxes, isa sa pinakamagaling na banda ng Ateneo High School.

+++

Sa darating na ika-15 ng Agosto ay gugunitain natin ang Kapistahan ng Maringal na Pag-akyat sa Kalangitan ng ating Birheng Maria. Sa pamamagitan ng kapistahang ito ay ipinagdiriwang natin ang mahalagang bahagi na ginampanan ng ating Mahal na Ina sabuhay at misyon ng Panginoong Hesukristo, ang ating Tagapagligtas.

Tayong mga Pilipino ay may napakalalim ng debosyon kay Inang Maria. Dito sa Ateneo ay mapatutunayan natin ito. Siya ang patron ng ating paaralan at pamantasan; Mayroon tayong mga rosary sa ating mga bulsa; at sa bawat tagumpay at kabiguan ay nag-aalay tayong awit para sa kanya: ang Himno kay Maria. Pagkatapos ng bawat laban sa UAAP, “Mary for you, for your white and blue” ang laging namumutawi sa ating mga labi. Tunay na napakalaking bahagi ni Inang Maria sa buhay nating mga Atenista.

Understanding the Queenship of Mary
The image of Mary the Queen.

Bakit nga ba malalim ang debosyon natin kay Maria? Bakit ba ganoon na lamang ang paggalang at pagbibigay-parangal natin sa kanya bilang ina ni Hesus. Sa aking matagal at malalim na pag-iisip, kaugnay ng tanong na ito, wala pa rin akong matibay na sagot. Sa aking pagninilay, biglang kong naisipang pagiging malapit ko sa aking sariling ina. Lahat tayo ay malapit sa ating mga nanay, mama, ermats o mommy. Dahil ba ito sabay lohikal na koneksyon natin sa kanila?

Sa ating mga ina tayo nanggaling; Siyam na buwan tayo sa sinampupunan ng ating mga nanay; Ang ating mga mama ang nag-aalaga sa atin kapag masama ang ating pakiramdam; Ang ating mga ermats ang laging nag-aalaga sa atin; ang ating mga mommy ang lagi nating takbuhan sa lahat ng oras.

Sa aking pagninilay ay nahalungkat ko ang isang tulang isinulat at binigkas ko para sa aking ina sa isang Slam Poetry Competition na aking sinalihan ilang taon na ang nakalilipas. Naisulat ko ang tulang ito noong panahong hindi maayos ang ugnayan naming ng aking ina. Narito ang tulang iyon:

Sa lahat ng bituin na ginusto kong abutin

Ikinalong mo ako para magawa kong sungkitin

Nangalay ‘man ang iyong kamay

Sabi mo ay regalo na ang ngiti ko’t tagumpay

 

Aruga mo ako mula pagkabata

Hindi pa ‘man bumubukas ang aking mata

Puso mo’y handang-handang

Magmahal.

Kabahan.

Matakot.

Magalit.

Magtaka kung tama ba? Kung tama ba itong aking ginagawa?

 

Tama na, tama na!

‘Wag kang mangamba

Bagaman itinataboy kita

Na “bakit ba?!

 

Bakit ka ba nangingialam

Ano ba ang iyong pakialam?”

Hayaan mo na

Kasi minsan wala talaga akong alam

Pero sana alam

Ng puso mong mahal kita

 

Hindi pa ‘man bumubukas ang aking mata

Puso ko’y handang-handa na

Na bumalik sa’yo

At ibalik sayo

Ang lahat ng bituin na ginusto kong abutin

Na tinulungan mong sungkitin

Ibabalik rin

Ibabalik rin”

 

Sa tulang ito ay nasabi ko ang wagas na pag-ibig sa akin ng aking ina. Ang marami niyang sakripisyo para sa akin. Katulad ng naging sakripisyo ni Inang Maria para sa kanyang Anak na si Hesus.

Sa lahat ng nagawa ng ating ina para sa ating mga anak, ay suklian natin sila nang tulad ng sukling ibinigay ni Hesus para kay Maria:

Ang pagbibigay sa kanyang mataas na parangal;

Ang paglalagay sa kanya sa pedestal;

Ang pagpapaakyat sa kanya sa lugar kung saan siya titingalain at sasambahin:

Sa Kalangitan kung saan siya nababagay at nararapat.

Bakit nga ba tayo malapit kay Inang Maria?

Dahil tayo minahal at patuloy niyang minamahal.

Panalangin

Magsitayo tayo para manalangin.

Sa ngalan ng Ama, ngAnak, at ng Espiritu Santo

Amen.

Panginoon, turuan mo kami na magmahal tulad ni Maria.

Turuan mo kami na mag-alay ng aming sarili nang buung-buo upang sa gayon ay makapiling ka naming tulad ng aming Ina.

Salamat po sa biyaya ni Inang Maria na lagging gumagabay sa amin sa bawat araw.

Nawa’y patuloy naming isapuso ang lahat para sa higit mong ikaluluwalhati at ikararangal ni Maria.

Aba Ginoong Maria

Napupuno ka ng grasya

Ang Panginoon ay sumasaiyo

Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat

At pinagpala ka naman ng iyong Anak na si Hesus.

Santa Maria

Ina ng Diyos

Ipanalangin Mo kaming makasalanan

Ngayon ay kung kami’y mamatay,

Amen.

Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo

Amen

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s