Panahon ng Pananabik at Pag-Asa

Franz Santos
Franz Santos, his wife and his two children. He is the current Subject Area Coordinator of Araling Panlipunan in Ateneo High School. 

Isa siguro ako sa pinaka-“boring” na kasama tuwing Bagong Taon. Ayaw ko sa ingay, usok at hindi naman talaga ako natutuwang manood ng paputok. Habang ginagawa ng mga tao ang mga tradisyon ng Bagong Taon, nagkukulong ako sa kuwarto at nanonood ng TV habang hinihintay na matapos ang mga magulang ko na magluto ng masasarap na pagkain para sa pagsalubong sa bagong taon.

Hindi ko alam kung bakit ako ganito tuwing bagong taon. Hindi naman sa pagiging “New Year Scrooge”, pero gusto ko lang din talagang manahimik at magmuni-muni tuwing huling mga araw ng taon, lalu na sa Pasko at bagong taon. Kaya nga tuwing nanonood ako ng TV sa bagong taon, paborito kong palabas ang mga “year-ender” ng iba’t ibang istasyon. Maganda kasing mailagay sa tamang perspektibo ang nakaraang taon sa tulong ng mga palabas na iyon. Ano kaya ang tema ng bawat taon? Taon ba ng sakuna? Pagdiriwang? Pagbabago?

Naaalala ko noong nasa Ateneo High School pa ako, ilan sa mga mahahalagang pangyayaring tumatak sa utak ko at pinagnilayan ko noon ang 9/11 sa New York, ang pagpapatalsik kay Joseph Estrada bilang pangulo at ang pagkamit ng kampyonato nina Enrico Villanueva, Rich Alvarez at Larry Fonacier noong 2002 (lalu na ang tapal ni Fonacier kay Cardona). Para naman sa sarili kong buhay, naalala kong pinagnilayan ko ang mga bagsak kong marka noong nasa ikalawang taon ako, mga sawing pagsubok sa pag-ibig noong nasa ikatlong taon at direksiyon ng aking buhay noong nasa ikaapat na taon.

E noong nakaraang taon kaya? Ano kaya ang akmang tema ng 2015? Year of the Chef? ISIS onslaught? Flight of the Refugees? Aldub Year? Game of Thrones- Philippine Presidential edition?

Para sa 2016 kaya?

Sa Pilipinas, magkakaroon tayo ng bagong pangulo. Sino kaya ang mananalo? Masusunod kaya ang mga napagkasunduan sa makasaysayang pagpupulong sa Paris tungkol sa Climate Change? Mas magiging maayos na kaya ang isyu ng kapayapaan sa bansa? Mananalo kaya ang paborito kong koponan sa NBA? Nakasasabik, pero nakatatakot din kasi hindi natin kontrolado ang lahat.

Sa ating paaralan, marami ring pagbabago. Pagdating ng Hunyo, ganap na ang pagkakahati ng junior at senior high school.

Maliban sa bagong gusali, may mga bago rin tayong kasama, at iba sa kanila, mga babae pa. Paano kaya iyon? Ano kaya ang uniporme nila? May haircut rule ba sa babae? Mas magiging mabait kaya ang mga lalaking Atenista ngayong may mga babae na? Paano ang sitwasyon ng traffic sa high school?

Nakakasabik, pero nakakatakot din kung minsan dahil sanay na tayo sa dati.

Siguro ganyan naman talaga tuwing bagong taon. Kaya nga ayon sa ilang tradisyon, ang Enero raw ay ipinangalan mula sa diyos ng mga Romano na si Janus, na siyang diyos ng simula at transisyon. Ang “bagong simula” na dala ng bagong taon ang nagdulot din sa ilan na gawin itong pagkakataon upang baguhin ang ilang mga dating gawi (o tinatawag nilang New Year’s Resolution). Para sa iba, ito rin ang panahon para sa bagong pag-asa, at kung maniniwala tayo sa mga survey na ginagawa ng TV Patrol o 24 Oras tuwing bagong taon, karamihan daw ng mga Pinoy ay umaasa na mas magiging masagana ang Bagong Taon, bawat taon.

Nakasasabik pero kung minsan, nakatatakot. ‘Yan ang Bagong Taon. Pero para sa mga naniniwala sa habag at pagmamahal ng Diyos, mas manaig dapat ang pagkasabik.

Isa nga sa paborito kong mga kataga mula kay Pope Francis ay ang sinabi niyang, “I look forward to the surprise of each day”. Isa ito sa mga marka ng isang taong may magandang relasyon sa Diyos kung ako ang tatanungin. Ito ay dahil ang taong may pagkasabik sa bawat araw ay naniniwala na nagpaparandam ang Panginoon araw-araw sa iba’t ibang paraan at nagtitiwala na Siya ang bahala sa atin. Mahirap ito, inaamin ko at kahit ako, ito ang ipinagdarasal kong mapalakas pa ng pagtitiwala ko sa Kaniya.

Ito rin ang hamon ni San Ignacio sa atin. “Find God in everything”. Sa bawat araw at bawat taon, sikapin nating hanapin ang Panginoon, mabuti man o masama ang mga pangyayari. Sa nakaraang taon kaya? Nasaan kaya ang presensya at pagmamahal ng Diyos sa ating bansa? Sa iyong buhay?

Para sa taong ito, saan ka nananabik at napupuno ng pag-asa? Nasasabik ka ba sa mga darating na mga field trip ngayong Enero? O baka naman umaasa na sa wakas, makaaakyat ka na rin sa entablado at mapaparangalan sa Reading of Honors? O para sa mga nasa Grade 12, sabik ka na bang makapagtapos?

Cabanglasan Classroom
The sole classroom for these indigenous children in the Jesuit missions of Cabanglasan, Bukidnon.

Hayaan ninyo akong ibahagi sa inyo ang isang mahalagang tema ng homilya ng isang pari sa UP noong Pasko. Hinamon niya ang mga tao na maging “God bearers”. Ipinaalala niya na gumagalaw ang Diyos sa pamamagitan ng mga tao.

Kung nagdarasal ang isang tao para sa gamot, hindi ito uulan mula sa langit. Magmumula ito sa mga tindahan ng gamot na siyang pagkukunan ng mga taong gustong makatulong. Angkop na angkop ito lalu na’t ngayong taon ay tinaguriang, “Extraordinary Jubilee of Mercy”. Let’s be bearer of God’s mercy and love. Paano? Sa mismong pang-araw-araw na pamumuhay natin.

Bilang pagtatapos, iiwanan ko sa inyo ang isa sa paborito kong sipi mula sa pelikulang, “The Hobbit”. Nang tanungin ni Galadriel si Gandalf kung bakit labis ang kaniyang tiwala kay Bilbo, ang sagot ni Gandalf ay ito:

“Saruman believes it is only great power that can hold evil in check, but that is not what I have found. I found it is the small everyday deeds of ordinary folk that keep the darkness at bay. Small acts of kindness and love. Why Bilbo Baggins? I don’t know. Perhaps because I am afraid, and he gives me courage.”

“Small acts of kindness and love”. Bigyan natin ng tapang at pag-asa ang bawat isa ngayong taon sa pamamagitan ng “small (or big?) acts of kindness and love. Bigyan natin sila ng mga kuwento ng inspirasyon at pag-asa. Ipakita natin na ang isang mag-aaral na bumabagsak noong una at ikalawang taon niya sa high school ay kaya palang maging isang honor student. Bigyan natin ng pag-asa ang mga magkakaaway nating kaklase sa pamamagitan ng pagpapatawad at pakikipagbati sa ating mga nakaaway noong nakaraang taon. Bigyan natin ng pag-asa ang mga indibidwal na binabangko sa intrams o sportsfest sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na gumaling. Sa mga simpleng paraang ito tayo magiging mga “God bearers” o instrumento ng Diyos dito sa mundo.

Kaya salubungin natin ang taon ng puno ng pag-asa, hindi lamang dahil “bagong taon”, ngunit dahil alam nating mahal tayo ng Diyos. At dahil tayo’y minahal Niya, mahalin din natin ang bawat isa.

Manalangin tayo.

 

Panginoon,

Salamat po at binigyan Niyo kami ng bagong taon. Tulungan Niyo po kaming harapin ito ng may pananabik at pag-asa, dahil alam naming Ikaw ang gumagabay sa aming buhay.

Tulungan Niyo rin po kaming maging mabubuting kapwa sa iba, upang mas madama ng lahat ang pag-ibig at kabutihan Ninyo. Ipinagdarasal namin ito lahat sa ngalan ng Inyong anak na si Hesus, Amen.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s